Nagpupuyos ako sa galit mula pa noong narinig ko ang naganap na masaker sa Maguindanao. Hindi ko naintindihan. Bakit nangyari ito? Sana nga masamang panaginip lang. Hindi pa halos nakakarekober ang bayan natin mula sa mga sakuna ng bagyo, isang man-made disaster naman ang sumalanta sa Pilipinas.
Hindi naman ako bingi o bulag sa mga extra-judicial killings, laluna sa mga aktibista at mamamahayag. Hindi na bago, kumbaga, ang mga balitang may mga napapatay nang walang kalaban-laban. Ayon sa Karapatan, umaabot na nga ang bilang ng mga biktima sa 312 sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Subalit, noong una kong narinig ang balita, hindi ko magagap kung paanong na-execute ang masaker na ito nang ganoon na lang.
Nalaman ko, batay na rin sa mga balitang aking narinig, napanood at nabasa, na ang Ampatuan clan ang itinuturong salarin, pangunahin na rito ang Mayor ng Datu Unsay na si Andal Ampatuan Jr. Siya ay nasa custody na ngayon ng NBI.
Matagal na raw kaalitan ng mga Ampatuan ang angkan ng mga Mangudadatu. Ang mga Mangudadatu ang pangunahing target ng masaker. Noong araw na naganap ang krimen, maghahain ng Certificate of Candidacy si Genalyn Magudadatu para sa kanyang asawa na si Esmael, tatakbo ito sa pagka-Bise-Gobernador ng Maguindanao. Makakalaban niya si Andal Ampatuan Sr, ang ama ng prime suspect sa krimen. Sa pinakahuling balita, umaabot na sa 57 ang mga nahukay na bangkay. Kabilang sa mga pinaslang ang 27 mamamahayag at 15 motorista (na umano'y witness sa naganap na masaker kaya pinili nilang patayin na rin).
Ayon kay Boy, ang testigong nagbigay ng pahayag sa media, isa sa mga gunmen na ngayo'y tumetestigo laban kay Ampatuan Jr, ang direktiba sa kanila ay patayin lahat ng miyembro ng Mangudadatu clan – babae man o bata. Ayon na mismo sa DoJ, hindi lang basta pinatay ang mga kababaihan, maaaring sila rin ay ginahasa muna at tinortyur.
Isa na sa pinakamatitinding election-related violence ang masaker sa Maguindanao. Lumang tugtugin na ang pamamayagpag ng guns, goons and gold kada eleksyon. Alam din nating mananaig ang krimen sa ating bansa sa darating na halalan. At heto na nga nagsimula na, sana nga wala nang mas titingkad pang halimbawa sa masaker na ito. Sukdulan ang kagahamanan sa kapangyarihan.
Nararapat suriin kung saan nagmumula ang lakas ng loob ng mga Ampatuan upang isagawa ang krimen na ito. Sariwa pa sa ating alaala ang kontrobersyal na pagkapanalo ni Miguel Zubiri bilang ika-12 Senador noong nakaraang halalan. Hindi ba't Maguindanao lamang ang nagtala ng 12-0 na boto? Ibig sabihin, lahat ng botante sa Maguindanao at bumoto para sa administrasyon, walang nakuhang ni isang boto ang oposisyon mula sa probinsyang ito. Kalokohan di ba? Pero namatay na ang balitang iyon, hindi na nga natin nabalitaan kung anong nangyari sa protesta ni Koko Pimentel. Pero ang malinaw, nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng administrasyong Arroyo at ng mga Ampatuan: papanalunin ang mga 'bata' ng administrasyon at pananatilihing namamayagpag ang angkan ng mga Amaptuan sa Maguindanao. Sa kasunduang ito, nagkaroon ng matibay na mandato ang mga Ampatuan na ipagpatuloy ang kanilang paghahari sa nasabing probinsya.
Isa pa, saan galing ang humigit-kumulang 100 gunmen? Ayon sa testigo, mula rin sa hanay ng pulisya at militar ang mga tauhan ng mga Ampatuan. Hindi ko matanggap na ang ikinakaltas sa aking buwis sa tuwing susweldo ako ay mapupunta sa ganitong aktibidad! Nakakagalit talaga!
Malapit na kaalyado ni Arroyo ang mga Ampatuan. Magkakaroon ba ng hustisya para sa mga biktima ng masaker nito sa ilalim ng rehimeng Arroyo? Hahayaan ba natin na patuloy na mamamayani ang nagkakanlong sa mga mamamatay-tao? Sabagay, siya naman mismo, si Gloria Macapagal-Arroyo, ang utak sa pagpatay ng napakaraming inosenteng sibilyan. Karumal-dumal talaga ang kalagayan ng pulitika sa ating bansa.