Tuesday, March 24, 2009

Sampung nakakairitang salita sa Filipino ni G. Danny Arao

Link

N.B. - This was published in the January 23-29, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2009/01/sampung-nakakairitang-salita-sa-filipino.

Humihingi ako ng paumanhin kung hindi ko na mahintay ang Agosto (o Buwan ng Wika) para talakayin ang ilang salita sa Filipino na sa tingin ko’y nakakairita. Ang ideyang ito ay bunsod ng nabasa kong artikulo sa Telegraph (http://www.telegraph.co.uk) na pinamagatang”Oxford compiles list of top ten irritating phrases” na lumabas noong Nobyembre 8, 2008.

Sa gitna ng napakaraming isyung kinakaharap ng Pilipinas, siguro’y iisipin mong hindi napapanahong magkaroon ng isang diskurso sa wika. Pero tulad ng korupsyon sa pamahalaan, hindi natin dapat tanggaping normal na kalakaran ang isang bagay dahil lang parating nangyayari ito.

Sa konteksto ng wika, ang anumang pagkakamali ngayon sa balarila’t ortograpiya ay maaaring maging tama sa hinaharap kung ang mga ito’y magkakaroon ng malawak na pagtanggap. Sa ngayon, nakakairita ang minsa’y malawak na paggamit ng wikang Filipino kung natatandaan pa ang itinuro ng mga guro natin.

Importante ang papel ng midya sa wikang ginagamit ng madla. Dahil araw-araw akong nagbabasa ng diyaryo, nanonood sa telebisyon, nakikinig sa radyo at bumibisita sa mga website, kapansin-pansin para sa akin ang paulit-ulit na maling paggamit ng ilang kataga sa Filipino.

Sa puntong ito, hayaan n’yong magbigay ako ng personal na listahan ng 10 salita sa Filipino na sa tingin ko’y nakakairita.

  1. GOBYERNONG ARROYO. Madalas na ginagamit ito, pati na rin ang Ingles na pagsasalin nito. Kung susuriin ang depenisyon ng ”gobyerno” at ”administrasyon” sa UP Diksiyonaryong Filipino, ang dalawang salita’y nangangahulugang pamahalaan. Pero sa larangan ng Agham Pampulitika (Political Science), magkaiba ang ”gobyerno” at ”administrasyon.” Ang una ay nakatuon sa estruktura at ang ikalawa’y sa mga taong namamahala nito. Sa Pilipinas, iisa lang ang gobyerno mula noong 1946 (kahit may ilang pagbabago sa estruktura noong panahon ng Batas Militar) pero marami nang nagdaang administrasyong namahala nito. Sa kasalukuyan, mas mainam na gamitin ang ”administrasyong Arroyo” (kahit maraming naniniwalang ninakaw lang ng Pangulo ang puwesto niya).
  2. KAGANAPAN. Sa iyong panonood ng telebisyon o pakikinig sa radyo, madalas mo sigurong naririnig sa ulat na ”ito ang pinakahuling kaganapan.” Ang salitang ugat ng huling salita ay ”ganap” na nangangahulugang lubos, buo, kompleto o perpekto. Dahil ang karamihan sa mga isyu sa ating lipunan ay hindi naman inaasahang may katapusan (lalo na’t paulit-ulit lang ang mga problema sa ating bansa), nararapat na gamitin ng mga kaibigan nating peryodista ang salitang ”pangyayari” sa halip na ”kaganapan.”
  3. TULDUKAN. Ang tuldok ay ang ”hinto sa pagsasalita o panandang ginagamit sa pangungusap” (UP Diksiyonaryong Filipino). Sa panonood ng mga programa tungkol sa mga kontrobersiyang kinakaharap ng mga artista, madalas nating marinig ang pahayag nilang ”Tuldukan na natin ang isyung ito!” Hindi ba’t mas mainam ang salitang ”tapusin” o ”wakasan?” Sa aking palagay, mas malakas na mensahe ito kung iisiping ang ”pagtutuldok” ay simpleng ”paghihinto” lamang.
  4. MATUTUNAN/NATUTUNAN. Madalas na pagkakamali ito sa pagbaybay dahil ang tamang salita’y ”matutuhan/natutuhan.”
  5. BARANGAY/BARANGGAY. Maniwala ka, parehong tama ang dalawa. Ang ”barangay” ay bangka sa wikang Iloko. Ang ”baranggay” naman ay ang”kapulungan ng mamamayan sa nayon at purok ng bayan,” ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino. May malawak nang pagtanggap sa “barangay” bilang pinakamaliit na yunit ng pamahalaan, at kahit ang Rules and Regulations Implementing the Local Government Code of 1991 ay ginagamit ang salitang ito. Pero ang nakakagulo ay ang kawalan ng pagkakaisa sa mga yunit ng pamahalaan kung anong salita ang gagamitin, kaya ang naiisip tuloy ng ibang hindi nakakaalam ay mali ang ”baranggay” na nakasulat sa ilang lugar.
  6. MGA KABATAAN, MGA KALALAKIHAN, MGA KABABAIHAN (at iba pang katulad na pormulasyon). Mali po ang mga ito. Malinaw ang nakasaad sa Gabay sa Editing sa Wikang Filipino (2004): ”Ang mga salitang nasa anyong kolektibo ay hindi maaaring pangunahan ng pamilang. Kung gagamit ng pamilang, ang batayang anyo ng salita ang dapat gamitin (p. 18).” Ibig sabihin, sa halip na ”mga kabataan” o ”sampung kabataan” ang kailangang gamitin ay ”mga bata” o ”sampung bata.”
  7. MGA FRIENDS, MGA CLASSMATES, MGA CELLPHONES (at iba pang katulad na pormulasyon). Para sa mga salitang hiram (na kadalasa’y Ingles), ginagamit lang ang “mga” para sa batayan o pang-isahang anyo. Hindi na kailangan ang ”mga” para sa pang-maramihang anyo ng salitang hiram. Halimbawa, tama ang pahayag na ”Ang mga friend ko, dumating na!” at ”Ang friends ko, dumating na!”
  8. MGA MAGAGALING, MGA MATATALINO, MGA MAGAGANDA (at iba pang katulad na pormulasyon). Hindi na kailangan ang ”mga” kung ang pang-uri (adjective) ay nasa pang-maramihang anyo.
  9. ANG GANDA, ANG TAMIS, ANG DALI (at iba pang katulad na pormulasyon). Sa panulat, mas mainam na gamitin ang tamang pormulasyon na ”kay ganda, kay tamis, kay dali.” Kahit na sabihing lumalawak na ang pagtanggap ng mga katagang ”ang ganda” at iba pa sa pagsasalita, walang masama kung pagsisikapang gamitin pa rin ang tamang pormulasyon.
  10. NG (sa halip na nang). Nakakalito man at madalas na napapagpalit ang”ng” at ”nang,” ang ating pagbabalik-aral sa balarila’t ortograpiya ay magpapaalala sa ating ang salitang ”nang” ay ginagamit bilang pang-angkop (ligature) para sa pang-abay (adverb) – halimbawa, ”magmaneho nang mabilis.”

Sigurado akong marami ka pang maibabahaging ”iritasyon” sa paggamit ng sariling wika. Kailangan lang nating tandaang ang wika ay patuloy na nagbabagong-anyo depende sa malawak na paggamit nito. Mainam sigurong magtulungan tayo para paalalahanan ang nakararaming mamamayan sa ating malaking papel sa pagtatama ng mga mali, sa sariling wika man o sa panlipunang kaayusan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.


No comments:

Post a Comment