Legal. Naaayon sa batas. Ilan ito sa mga halimbawa:
1. Legal ang pag-upo ni Palparan sa Kongreso kahit na may batayan ang akusasyon na imbwelto sya sa pagkawala ng mga UP students na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno. Mayroon ding bakas ng dugo nina Eddie Gumanoy at Eden Marcellana ang kanyang mga kamay.
Layunin ng Party List na magkaroon ng representasyon sa Kongreso ang mga marginalized na sektor ng lipunan. Si Palparan ay magiging kinatawan Bantay, ang Party List ng mga "True Marcos Loyalists". Siya ay magiging boses diumano ng "sectors engaged in security and peace and order concerns”. Hindi ba't ito na mismo ang mga tauhan ng gobyernong kung tawagin ay Pulis at Militar. Ah, oo, kailangang magkaroon ng mga mambabatas mula sa sektor na ito, hindi kasi sila nabibigyan ng prayoridad.
2. Kaugnay nito, legal din ang pagdaragdag ng isa pang Arroyo sa Kongreso. Isa sa mga bagong Party List Representative si Lourdes Arroyo, hipag ni Gloria mismo. Sabi ng Malakanyang, legal nga rin ang pagkakaroon ng dalawang Cayetano sa Senado...so anong problema?
3. Wala pa raw namang naghahain ng Cetificate of Candidacy kaya legal din ang mga personal ads ng mga aspiring tumakbo. Hindi naman kasi ata obvious kung ano ang pinopromote ng ads na ito. Masagot kaya nila nang buong linaw kung saan nagmumula ang pondo para sa airtime ng mga ito?
4. Legal ang pang-aarestong ginawa sa mga kapatid ni Trina Etong, asawa ng broadcaster na si Ted Failon. At uulitin ko ang sintemyento ng nakararami, laluna niyong mga nakapanood ng video footage ng panghuhuli: kung kay Ted Failon nagagawa ito ng awtoridad, paano pa sa mga mamamayang walang suporta ng ABS-CBN, gaya ko, halimbawa.
5. And finally, legal ang pwersahang pakikipagtalik sa mga babaeng hindi naman tunay na "demure provinciana lass". Ayon sa Court of Appeals, ang rape ay maaari ring tawaging "spontaneous, unplanned romantic episode" kung saan kasalanan mo pang napagsamantalahan ka dahil sa iyong "indecorous behavior".
Legal ang pumatay ng tao, ang nepotismo, ang pangmalakasang pangangampanya maski hindi ito napapanahon, ang pangdarahas at ang panggagahasa.
Hindi lahat ng legal tama, hindi lahat ng ilegal ay masama.
*Nasambit ito ng aming VP noong nakipag-usap sya sa team namin noong nakaraang araw. Tungkol ito sa forced overtime sa aming department noong holy week. Sabi nya, "Although it's perfectly legal, we will not do (10-hour shifts) again." Hindi umano "convenient" para sa mga agent ang ganoong set-up kaya hindi na uulitin pa. Gayunman, hindi rin babayaran ang OT na iyon.