Sunday, May 3, 2009

Mga Tula para sa mga Manggagawa ni Joi Barrios-LeBlanc*

DALAWANG TULA PARA SA MAYO UNO


SYENTO BEINTE SINGKO
Joi Barrios-Leblanc

Gasino na ang syento beinte singko?
Apat na kilo ng bigas,
ilang saing sa hapag ng mahirap.
Anim na pirasong galunggong,
Simutin mula ulo hanggang buntot,
at nang makatawid gutom.
Kahit noodles ay laman na rin ng sikmura
at sa limang pisong pakete mula sa pabrika.
busog ka sa asin at betsin, paalam na sa sustansiya.

Gasino na ang syento beinte singko.
sa kapitalista't may kuwarta
isang tasa ng kape sa Starbucks,
isang hiwa ng kesong maalat,
isang espesyal na ensaymada
na ihahain na pang-meryenda.

Syento beinte singko lang ang dagdag na suweldong
hinihingi ng manggagawa.
Syento beinte singkong walang dantay
sa mga guhit ng timbangang sumusukat
sa agwat ng kapitalista't manggagawang naghihirap.


kuha ni Kenneth Guda, Pinoy Weekly



SA ARAW NG PAGGAWA
Joi Barrios-Leblanc

Kasingtayog ng gusali na siya ang nagtayo,
Kasingkinang ng minina niyang ginto
Ang halaga ng paggawa,
Ang pagsikhay na dakila.

Ngunit nabubuhay tayo sa mundo
na nangungusap ng salapi,
At sumusukat sa tao
Sa nakamal na pag-aari.
Ang manggagawa'y bayaran lang.
Ang walong oras, limang araw,
ay ipagpasalamat!
Bakit pa hihilingin
na ang sahod ay tumaas?

Bakit hindi?
Ano't ang pagpupunyagi
ay hindi tutumbasan ng biyaya,
O sasalubungin ng pagkilala.
Sapat na pagkain sa hapag,
Isang pumpon ng mga bulaklak.

Pagkat siyang lumilkha ay kaya ring magbuwal,
Siyang nagtiya-tiyaga ay marunong ring lumaban.
At ang daigdig na isinusulong niya sa pag-unlad,
Ay daigdig din na babaligtad sa kanyang pag-aklas!


*Sec-Gen, US Committee for the Protection of Workers' Rights

No comments:

Post a Comment